Friday, December 30, 2011

Sino si Rizal sa panahon ngayon?

Ang entring ito ay ang istoryang aking iprinoduce at ang mga larawan ay nagpapakita ng akin karanasan sa paggawa ng maikling pelikula noong hayskul na may kinalaman sa buhay ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.



              Sa pagtuklas ng buhay ng mga natatanging taong ito ay sa hindi gayong tuwirang paraan ay maihahalintulad at mararanasan ang nangyari sa buhay ng ating pambansang bayani.




                Matatanaw sa pasilyo ng isang batikang paaralan ang talakayan ng mga mag-aaral at kanilang guro sa klase sa agham. Medyo kakaiba ang talakayang ito dahil kapansinpansin ang isang bata na di mo mawari’y mas maalam pa sa guro. Henyo ang batang ito. Siya si Kyle, matalino, pala-aral. Dahil ito sa maayos na pagpapalaki sa kanya ng kanyang ina.

                Maaalala ang katangian ni Rizal noong knyang kabataan. Higit ang talino, una sa klase. Ang lahat ng ito’y bunga ng pagkalinga at apgdidisiplina ng kanyang ina na si Teodora.

                Sabado ng umaga nang gisingin ni Lourdes ang kanyang anak na si Kyle. Dadalaw silang mag ina sa Muntinlupa kung saan nandoon ang kanyang tiyuhin na si Marco na nagtitiis na sa piitan. Si Marco Cristobal ay isang propesor at mahusay na mamamahayag sa dyaryo. Kinasuhan siya ng libel dahil sa kanyang pahayag na di umano’y nagsisiwalat ng kasamaan ng mga pulitiko.


Ang gumanap na mag-asawang si Isabel (kaliwa) at si Marco (kanan)

                Sa pabulong at mistulang palihim na pag-uusap ng magkapatid ay biglang may inabot na tiklup-tiklop na papel si Marco, ito’y isang artikulo na nais niyang ipalimbag sa dyaryo. Ang tunay na pakay ng mag-ina ay ang ibalita na ang butihing asawa ni Marco, si Isabel ay magdadalawang buwang nagdadalang tao. Laking tuwa naman ni Marco dahil magiging ama na siya sa wakas.

                Kanyang estudyante sa kolehiyo ang nobelistang si Rafael. Sa ngayon, hirap na hirap ang binata ng kumpanyang maglilimbag ng kanyang ginawang nobela. Tinatanggihan siya dahil ang nilalaman nito ay mga istoryang mapaghimagsik at tila pinatatamaan ang pamahalaan. Nalapitan niya na ata ang lahat ng mga palimbagan dito sa Pilipinas ngunit ni isa ay walang tumatanggap dahil sa takot ng mga ito.

                Makikita sa katauhan nina Marco at Rafael ang nangyari kay Rizal. Si Rizal ay naging mamamahayag at may-akda ng nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

                Kilalanin ang artistang si Tristan. Gwapo, makisig, matalino at hinahangaan ng halos lahat ng kababaihan. Si Tristan ay anak ng kilalang mga personalidad sa showbusiness kaya naman wala ka ng hahanapin pa.

                Si Tristan ay nagkaroon na ng maraming katipan, hindi lang mga Pilipina, kundi mga banyaga. Kinikilala rin kontrobersiyal ang ginoong ito dahil sa isyung pinag-awayan siya ng dalawang kapwa artistang babae.

                Ang pambansang bayani natin ay tinaguriang “playboy”. Tulad ni Tristan, marami din naging katipan ang ating bayani. Ang ilan sa mga ito ay sina: Leonor Rivera, Suzanne Jacoby, Nellie Bousted, O-Sei-san at si Josephine Bracken.

                Hanggang sa natauhan na si Tristan. Nag-iba ang kanyang pananaw at binalak ituloy ang pag-aaral. Lingid sa kaalaman ng lahat, palabasa pala ang binata. Lagi siya sa silid aklatan at doo’y nagpapalipas oras kaharap ang mga libro.

Si Tristan sa silid aklatan

                Sa mesa na kanyang kinapupwestuhan ay tanaw ang isang babaeng tahimik, mahinhin at tulad din niya, palabasa. Ang dalagang ito ay si Rose, isa sa magagling na mag-aaral ng kanilang institusyon. Sa dalas ng kanilang pagsasama sa aklatan ay hindi maiiwasan ang paghanga sa isa’t isa. Lalo na ang binatang si Tristan na tila’y nabihag na sa pag-ibig.

                Kapatid ni Rose ang nobelistang si Rafael. Dumating ang isang araw na napagpasiyahan ng dalawa na mangibambansa sa kadahilanang pagtanggap sa mas magandang kinabukasan. Nakatanggap ng scholarship si Rosario upang magpatuloy ng pag-aaral sa Amerika at ang kanyang kuya naman ay ang paghahanap ng kumpanyang maglilimbag ng kanyang nobela ang pakay.

Si Rose at si Tristan

                Marami ang pipigil sa desisyon ng magkapatid. Una, hindi kakayanin ng kanilang mga magulang na mawalay sa dalawa, dalawa lamang kasi silang magkapatid. Lalong hindi kakayanin ng kanilang ina. At isa pa, tuluyan na ring nahulog ang loob ni Rosario kay Tristan. Kakayanin ba ito ng kanilang pagmamahalan?

                Mapapansin na dinanas din ni Rizal na mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Nagsakripisyo ang ating bayani upang matupad ang kanyang tungkulin kahit pa mawalay nang matagal sa kanyang pamilya. Gayundin ang naging karanasan niya sa pagkakawalay sa kanyang kasintahan.

                Makalipas ang ilang buwan, pansamantalang nakalaya si Marco dahil manganganak na ang kanyang asawa. Ngunit ang pagkakapanganak ay wala sa oras, kulang ng dalawang buwan ang sanggol.

                Habang nagdadalang tao ang kanyang asawa ay madalas pala itong magkasakit. Kaya naman naapektuhan din ang kalusugan ng sanggol partikular na ang puso nito. Sa tulong ni Doctor Dela Peña, pansamantalang naagapan ang komplikasyon.

                Si Doctor Milagros Dela Peña ay isang cardiologist. Marami na siyang napagaling na sakit sa puso dahil sa kanyang dedikasyon. Noon ay mahirap lang ang pamilya ni Milagros, naghirap ang kanilang pamilya dahil sa pagpapagamot sa kanyang ina na may sakit sa puso. Noon pa ma’y pangarap na niya na mag-doktor dahil sa kagustuhang mapagaling ang lagay ng kanyang ina. Nagsikap siya baon ang inspirasyong ito upang makamit ang kanyang pangarap.

Ang gumanap na Dr. Dela Pena (kaliwa) at ang kanyang nurse

                Nagtagumpay siyang mapagaling ang puso ng kanyang ina, ngunit ngayo’y bigo siya. Makalipas ang ilang araw ay lumala ang sakit ng bata. Hanggang sa tuluyan na itong pumanaw. Labis ang paghihinagpis ng lahat.

                Ang sitwasyon nina Milagros at Marco ay maikukumpara sa nangyari kay Rizal. Kung si Milagros ay nagtapos sa cardiology upang magamot ang kanyang ina, tinapos naman ng ating bayani ang optalmolohiya upang gamutin ang mata ng kanyang ina.

                Sa naranasan naman ni Marco ay kagaya ng pagpanaw ng kaisaisang anak ni Rizal, ang kanilang supling ni Josephine Bracken. Parehong sawi sa pagiging ama ang ating bayani at ang tauhan.

                Samantala, kumalat na sa buong bansa ang artikulong palihim na ipinalimbag ni Marco. Natuklasan na rin na siya pala ang may-akda nito. Higit na lumala ang isinampang kaso sa kanya at nahatulan siya ng sintensyang kamatayan.

Ang eksena ng pagkamatay ng karakter na si Marco kasama ang aming butihing mga direktor  (top left) at ang aming cinematographer (top right) 

                Makalipas ang lahat ng naganap, tuloy pa rin ang buhay ng mga tauhan:

                Si Rafael ay ginawaran ng parangal dahil sa kanyang nobelang pinamagatang “Suhol”. Sa ngayon ay nailimbag na sa maraming bansa ang kanyang obra.

                Sina Tristan at Rosario naman ay patuloy na nagmamahalan matapos nilang makatapos ng kolehiyo at ngayo’y si Tristan ang bida sa dulang isinulat ng kanyang iniibig na Rosario.

                Lalo pang dumami ang napagaling at natulungan ni Doktora Milagros. Siya na rin ngayon ang kasalukuyan kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas.

                Si Kyle ngayon ay isa ng binata, lalo pang nadagdagan ang kaalaman ng binata. Sa kinikilos niya’y parang siya ang susunod sa yapak ng kanyang tiyuhin. Nabalot na rin ng prinsipyo ang binata.

                Mapupuna na ang mga tauhan sa kwento ay maitutulad sa ating pambansang bayani na si Rizal. Ngunit ang pagiging bayani ay hindi nangangahulugan ng pagbubuwis ng buhay, ang mahalaga ay pag-aalay ng buhay habang may buhay. Iyan ang pagiging bayani sa makabangong panahon.

                Ikaw, sila at ako ang Makabagong Rizal sa ating panahon.



Ang aming set

Ang eksena bago mag-take

Tuwing oras ng pahinga

Ang aking pinagkaabalahan tuwing break: pagkuha ng larawan


Ang naging buhay ng produksyon: (mula kaliwa) Ang aming production manager, ang executive producer (ako), ang aming direktor at ang aming assistant director 

1 comment:

  1. Titanium Athletics
    Titanium Athletics. Professional titanium nose jewelry Development, titanium white dominus LLC. Sports Team. University babyliss pro nano titanium flat iron of Southern California. Sacramento, 2020 edge titanium CA 95828. Website, http://titanium-arts.com. apple watch series 6 titanium

    ReplyDelete